Monday, October 3, 2016

ANG ALAMAT NG SAGING



           Noong unang panahon sa isang nayon ay may magkasintahan. Sila ay si Juana at si Aging.Sila`y labis na nagmamahalan sa bawa`t isa. Ngunit tutol ang mga magulang ni Juana sa kanilang pag-iibigan. Gayun pa man di ito alintana ni Juana. Patuloy pa rin siyang nakikipagkita kay Aging.
Isang araw, naabutan sila ng ama ni Juana. Bigla itong nagsiklab sa galit at hinabol ng taga si Aging. Naabutan ang braso ni Aging at ito`y naputol. Tumakas si Aging at naiwang umiiyak si Juana. Pinulot niya ang putol na braso ni Aging at ito`y ibinaon sa kanilang bakuran.
Kinabukasan, gulat na gulat ang ama ni Juana sa isang halaman na tumubong bigla sa kanilang bakuran. Ito`y kulay luntian , may mahahaba at malalapad na dahon. May bunga itong kulay dilaw na animo`y isang kamay na may mga daliri ng tao.
Tinawag niya si Juana at tinanong kung anong uri ng halaman ang tumubo sa kanilang bakuran.
Pagkakita sa halaman, naalaala niya ang braso ni Aging na ibinaon niya doon mismo sa kinatatayuan ng puno. Nasambit niya ang pangalan ni Aging.
"Ang punong iyan ay si Aging!" wika ni Juana.
Magmula noon ang halamang iyon ay tinawag na "Aging" at sa katagalan ito`y naging saging.

Ang Alamat Ng Buwan At Mga Bituin


Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.
Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.
Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.
"Maria, magbayo ka ng palay," ang wika ng ina.
"Opo," ang sagot ni Maria, nguni't hindi siya kumilos.
"Maria, magmadali ka," ang tawag na muli ng matanda. "Wala tayong bigas na isasaing."
"Opo, sandali po lamang," ang tugon ni Maria, nguni't hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
"Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka," ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
"Napupuno ng pawis ang aking kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
"Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
"Kay ganda ng aking suklay at kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili. "Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas."
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni't hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawa't pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa't pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
"Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay," ang wika ni Maria sa kanyang sarali, "At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!"

Ang Alamat ng mga Unang Alitaptap



Ang sabi ay tao lamang ang gumagamit ng apoy. Ang mga hayop daw ay hindi. Ito ay hindi totoo sapagka't ang mga alitaptap ay gumagamit din ng apoy. Alam mo ba kung bakit gumagamit ng apoy ang mga alitaptap?
Noong unang panahon, ang mga alitaptap ay maliliit na kulisap lamang. Ang mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang apoy. Nguni't ito ring mga kulisap na ito ang tinatawag natin ngayong ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?
Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang mga kulisap noong unang panahon ay gabi lamang kung lumipad. Naguni't ayaw na ayaw nila ng mga gabing madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang buwan. Kapag madilim ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa mga dahon at sa mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?
Isang gabing madilim, walang malamang pagtaguan ang mga kulisap na iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita. Ang ilan sa kanila ay nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang nagkubli sa mga talulot.
"Bakit ba?" ang tanong ng sampaguita. "Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba kayo takot na takot? Kayo ba ay natatakot sa dilim?"
"Hindi kami sa dilim natatakot," ang sagot ng isang kulisap.
"At saan?" ang tanong ng sampaguita.
"Sa mga kabag-kabag," ang sagot ng maraming kulisap.
"Bakit kayo natatakot sa mga kabag-kabag?" ang tanong ng sampaguita. "Inaano b akayo ng mga kabag-kabag?"
"Kami'y kinakain nila," ang sabi ng mga kulisap. "Kapag kami ay nakita nila ay hinuhuli kami at iyon na ang katapusan ng aming buhay."
"Masama naman ang ginagawa sa inyo ng mga kabag-kabag," ang wika ng sampaguita.
"Biruin mo, kay rami ng mga kabag-kabag," ang sabi ng isang kulisap. "Kaya kami ay pakaunti nang pakaunti."
"Mauubos nga kayo kung ganyan," ang wika ng sampaguita. Kaawaawa naman kayo."
"Hindi nga namin malaman kung ano ang aming gagawin," Ang wika ng mga kulisap.
"Eh, bakit kung maliwanag ang gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking ouno?" ang tanong ng sampaguita.
"Kung maliwanag ang buwan ay mahirap kaming mahuli ng mga kabag-kabag," ang sagot ng isang kulisap.
"Hindi makakita sa liwanag ang mga kabag-kabag, eh," ang dugtong ng isang kulisap.
"Sila ay nasisilaw sa liwanag," ang dugtong pang uli ng isang kulisap.
"Ganoon pala. Hindi pala makakita sa liwanag," ang sabi ng sampaguita. "Tuturuan ko kayo kung ano and dapat ninyong gawin."
"Ano ba? Ano ba ang dapat naming gawin?" ang tanong ng bawa't kulisap.
"Bawa't isa sa inyo ay magdala ng apoy," ang sabi ng sampaguita. "Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong lumabas. Matatakot sila sa inyo. Hindi nila kayo malalapitan."
"Oo nga, siya nga," ang sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.
"Mabuti nga, ano?" ang sabi pa rin ng ibang kulisap.
Ganoon na nga ang ginawa ng mga kulisap. Isang gabing madilim, ang bawa't isa sa kanila ay nagdala ng apoy, pagkatapos ay nagsabay-sabay silang lumabas. Naku! Para silang alipatong lumilipad. Hindi nga naman sila malapitan ng mga kabag-kabag.
Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad sila nang paikut-ikot sa punong sampaguita.
"Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami ngayon ay malaya na."
Mula na noon tuwing lalabas ang mga kulisap pag madilim ang gabi nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon din ang tinatawag ngayong "ALITAPTAP."

Ang Alamat Ng Pinagmulan Ng Lahi


Ayon sa matatanda, ang Bathalang lumikha ng daigdig ay si Laor. Ayon sa paniwala ng marami ay amtagal siyang namuhay na nag-iisa dito sa daigdig. Hindi malaunan at siya ay nakaramdam ng pagkalungkot sa kanyang pag-iisa. Upang maiwasan ang ganitong pangyayari ay umisip siya ng isang magandang paraan.

Isang araw ay naisipan niyang kumimpal ng lupa upang gawing mga tao, sa gayon ay malulunasan ang kanyang mga kalungkutan. Iniluto niya sa hurno ang lupang kanyang ginawa. Sa hindi malamang sanhi ay nakalingatan niya ito, kaya't nang kanyang buksan ay maitim at sunog. Ang lumabas na sunog ay naging nuno ng mga Negro at Ita. Hindi nasiyahan si Bathala sa una niyang pagsubok. Kumuha uli siya ng lupa at hinubog na anyong tao at isinilid sa hurno. Sa takot niyang ito'y masunog tulad ng una, hinango agad sa kalan. Ang lumabas ngayon ay hilaw at maputi. Muling humubog si Bathala ng lupa at iniluto sa hurno. Palibhasa'y ikatlo na niyang pagsubok ito, hindi napaaga ni napahuli ang pagkakahango niya sa pugon. Hustong-husto ang pagkakaluto ngayon at katamtaman ang kulay. Ito ang pinagmulan ng lahing kayumanggi na kinabibilangan natin.

Alamat ng Macopa





Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.
Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!
Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.
Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.
Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.
Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.
Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.
Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.
"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.
"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.
Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."
Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.

Alamat ng Lansones


\


Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.

Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.

Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna.

"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.

"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob.

Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."

Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.

Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.

Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan.

Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.

Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.

"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata.     Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.

Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."

Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.

Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa nag

Ang Alamat ng Pinya

           
            Si Pinya ay magandang batang babae. Lumaki sa laya si Pinya dahil kaikaisang anak siya. Isang araw, ang ina ni Pinya ay may sakit. Hiniling niya kay Pinya na magluto ng lugaw para sa kanya. Hindi makita ng batang laki sa layaw ang sandok. Nagalit ang kanyang ina dahil ang kanyang anak ay tamad at hindi gumagamit ng mga mata niya. Sabi niya, “Umaasa ako na magkaroon ka ng isang libong mata!” Naging tahimik ang bahay. Noong mas magaling na siya, bumaba siya. Wala si Pinya. Isang araw, naglilinis siya ng bakuran at nakakita siya ng hindi kilalang prutas na dilaw. Mayroon isang libong mata ang prutas. Sinumpa niya ang kanyang anak. Ngayon, ang prutas na may isang libong mata ay tinatawag na Pinya.

Alamat Ng Sampaguita



Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo'y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila'y tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita -- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila'y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

"Sabihin ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang pagnanakaw."

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong datu," ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno."

Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito'y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo'y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga'y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa kita!" ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi, maraming talulot at ang iwing bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad - Si Delfin at si Rosita. Samantala....

Ang kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging "Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Alamat ng Durian


Ang ninuno ng tribo ng mga Bagobo na ngayo’y naninirahan sa kagubatan ng Mindanao ay mga sakop ni Datu Duri. Ang kahulugan ng duli ay tinik pagka’t siya ay laging nagbibigay ng ligalig sa kanyang mga kaaway.

Iilan pang taon ang nakalilipas sa kanyang pagka-Datu nang siya ay nagkaroon sa kanyang kabiyak ng isang tagapagmana ng kaharian. Ang bata’y pinangalanang Durian, na ang gusting sabihi’y munting tinik.

Nagpakita sa Datu ang Dakilang Bathala at ipinaalam sa ama na ang kanyang anak ay mabubuhay ng labingsiyam na taon lamang.

Lumakad ang mga araw. Nag-ugat sa puso ni Durian na mahalin ang sakop ng kanyang ama. Sa di-kawasa ay dumating ang malungkot na sandali. Ang sinabi ng Dakilang Lumikha ay natupad. Si Durian ay nagkasakit. Sinuman sa kaharian ay walang makapagbigay ng lunas. Ang Datu ay nalungkot at nawalan ng lakas na harapin ang katotohanan.

Hiniling ni Durian sa kanyang ama na kapag siya’y namatay ang kanyang bangkay ay doon ilibing sa ilalim ng durungawan ng kanyang ina upang maipagdasal ang kanyang kaluluwa sa lahat ng sandali. Ito ay natupad.

Sa ikasiyam na araw ay napansin sa libing ni Durian na may halamang sumisibol.

Nagtumulin ang mga taon. Lumago ang halaman, yumabong ang sanga hanggang sa ito’y namulaklak at namunga.

Isang araw, tinikman ni Datu Duri ang isang hinog na bunga. Nagsisunod ang mga kawal sa palasyo pati ng mga nasasakupan. Nakita nilang ang balat ng bunga ay manipis at maliit ang buto. Ang laman ay malasutla at matamis. Naniwala ang mga taong ito’y ibinigay ni Bathala bilang isang alaalang tagapagpagunita hinggil kay Durian noong nabubuhay pa siya.

Si Datu Duri ay matandang-matanda na. Isang taksil ang naggulo sa mga alipin upang pag-imbutan ang kanyang kapangyarihan at kayamanan. Ito’y si Sangkalan. Sa huli’y siya ang naging datu. Kanyang dinigma at pinasuko pati ang mga Bilaan at Manobos.

Napag-alaman ng Dakilang Bathala ang kasakiman ni Sangkalan. Kanya itong pinarusahan. Pinawalan ang kidlat at kulog. Nakatutulig na putok ang narinig pagkatapos ng ilang saglit may nakitang mahiwagang liwanag na nakabalot sa punong-kahoy na nakatayo sa libingan ni Durian.

Siniyasat ni Sangkalan at ng mga tao ang puno. Ang mga bunga ay nagkaroon ng malaki at maraming tinik na katulad ng rimas. Nagalit si Sangkalan at isinumpa ang Diyos. Pinagpalaluan ang Kanyang karunungan.

Noon di’y nangalaglag ang lahat ng mga bunga ng punong-kahoy at natabunan ang katawan ni Sangkalan. Nadurog ang kanyang bungo at nalamog ang buong katawan. Noon di’y itinanghal na bangkay si Sangkalan. Ang mga tao ay nasiyahan sa nangyari.

Nang buksan ng mga tao ang ilang bunga ng punong-kahoy, kanilang nakitang ang balat ay makapal at ang buto ay malaki, ngunit ang laman nama’y matamis. Nakatawag ng pansin ang masama nitong amoy.

Iyan ang kauna-unahang puno ng Durian.